06 August, 2012

Echuserang Ilong

Sensitibo ang ilong ng aking alaala. Laging nagyayayang umuwi sa bahay. Madalas mapagkamalang imbitasyon ang simpleng amoy.

Piniritong isda ang ulam ng kapit-bahay. Kung hindi ako nagkakamali, pinritong galunggong ang naamoy ko kahapon habang nagsusulat ng aking paper tungkol sa pagkain. Bigla, gusto kong umuwi sa probinsya. Linisin ang abo sa kalan. Dumakot ng uling at isawsaw ang uyo sa gas.

Torture ang ganoong sitwasyon. Pero pwede namang hindi umuwi at maibsan ang torture. Simple lang, e di magluto. Ang problema, wala kaming lutuan sa dorm, kahit kalan na bato. Hindi naman bawal magluto sa amin, wala lang talagang gas/electric stove. Dawalang de-saksak na pakuluan ng tubig at rice cooker lang ang laman ng aming kusina. Sa ganito ko nagamit ang aking natutunan sa pagbo-boyscout.

Siguro, kaya walang stove, ayaw ng mga dating dormer na problemahin kung paano ito paghahatian sakaling umalis ang isa. Dagdag pa rito ang walang-kamatayang pagtaas ng LPG. Kung magiging problema man ang pagpaparte, simple lang ang sagot ko: i-raffle. E kung may aapela? E di i-raffle paisa-isa ang hose, ang burner plate, ang bakal na patungan ng kawali/kaldero, ang mismong katawan ng burner, ang LPG. Siguro naman sa dami n’yan lahat ay may makukuha. May isa pa ngang magdodoble dahil apat lang naman ang maghahati-hati. Kung may aapela pa, ibigay ang potholder.

Bakit di na lang ako bumili ng kalan na bato? Kung bibili naman ako, baka mapagkamalan pa akong ewan ng aking mga kasamahan. Isipin pa nilang ganoon pa rin talaga sa Quezon. Ganoon pa rin naman lalo na ‘pag naglalaga para makatipid-tipid sa LPG. Pero di ibig sabihin ay walang gas stove na nagaganap. Ayoko ring namang humantong kami sa sangkatutak na paliwanagan. Paano ko ipapaunawa na mas nararamdaman ko ang bahay dahil sa usok sa kalan? Paano ko naman sila paniniwalain na nakakatuwa ang pagpitik-pitik ng uling at paglipad-lipad ng alipato, sige nga? Tiyak, magmumukha akong ewan.

Nang mawala ang amoy, tumigil ako sa pagsusulat. Ayaw ko nang isipin kung bakit. Pero ‘yung ilong ko, echusera. Dahil wala nang maamoy, sinulsulan akong imaginin ang sumunod na eksena: pinarte ang isda, kinurut-kurot, isinawsaw, isinubo…

Dumampot ako ng libro. Inamuy-amoy ang mga pahina. Ayan, para may pagkaabalahan ka, sabi ko sa aking ilong. Ang sarap daw. Ano raw ba ‘yung nalalasahan niya. Tiningnan ko ang cover: The Sociology of Food.

15 May, 2012

Sinong Umutot?

"Umutot na po ba?"


Ito ang laging bungad ng nurse o doctor na pumapasok sa kuwarto ng aking kaibigan sa ospital. Natatawa ako nong unang araw kong nagbantay; sa magahapong pagpasok nila, atat na atat sila sa utot ng aking kaibigan.


Sa tuwing magraround ang mga nurse o doctor, minsan gusto kong sabihin na, "Ako po, umutot ako kanina bago pumasok sa elevator. Umutot din po ako habang nagyoyosi. Umutot din po ako habang naglalakad papauntang ospital." Pero hindi ako ang pasyente kaya tiyak, wala silang pakialam sa aking utot kahit sabihin pang walang amoy.


Sa FX, sa mrt, sa jeep, sa school o sa kung saan man, halos magkamatayan na sa pagtanggi kung sino ba ang umutot. Para bang simbigat ng kasalanan ni Gloria Arroyo kaya't walang aamin. Kahit magkaamuyan pa siguro, wala pa ring aamin.


Sa ospital, inaamin ang utot. Kung di ka aamin, di ka kakain. At kung mabilis kang aamin para makakain kahit di pa naman nakauutot, maaaring lalo pang mapasama.


Utot ang hinihintay namin upang makakain na ang aming kaibigan na ilang araw na ring swero lang ang panawid-gutom. Kailangang makautot ng aming kaibigang naoperahan dahil ito ay pahiwatig na maayos na uling gumagana ang kaniyang bituka. Ilang araw pa ang magdaraan bago dumating ang pinakahihintay na hangin.


Nagtalukbong ang aking kaibigan, sinarili ang simoy na ilang araw ring inaabangan. Na marahil, ilang araw rin niyang pinanabikan. Sinarili niya, na parang isang bisitang dumating na matagal niyang di nakita kaya't marubdob na sinalubong.


Ano nga bang nakakatawa sa pag-utot? Nakakatawa marahil dahil sa tunog o bagsik. At dahil nga pinagtatawanan, 'pag di sinasadyang napautot, napipilitang tumanggi ang napautot. Oo, may ilan na kayang umamin at magpasintabi kung mauutot o nautot, pero karamihan pa rin, deny to death. At kung minsan naman,walang nagrereact sa balasik ng naaamoy dahil nga ang unang pumutak, siyang nangitlog.


Kung ang simpleng bagay na ito, na isa namang normal at maaaring ipagpasintabi, kay daling itinatanggi-- paano pa kaya ang malalaking bagay?

17 April, 2012

Tungo sa Paanan ng Tinago

(Kina Jun-jun at Allan, aming mga gabay)

Tinatawid ng higpit at hatak
ng inyong mga kamay
ang gaspang at gasgas ng lubid
na nagdurugtong sa pampang
at paanan ng talon.
Sa magkabilang dulo ng balsa,
sabay sa ritmong sauladung-saulado—
kapuwa kayo yumuyuko, kumukuyom,
tumitiim-bagang bago muling tumindig
at tumanaw sa hangganan ng paninimbang.

At sa ating paglapit sa lagaslas,
habang nasisilaw,
napasisigaw,
napadidipa ang aking mga kasamahan—
nagsalubid
ang mga litid sa inyong bisig.
Nagsa-angkla
ang inyong mga talampakan
sa basbas ng kagandahan
at rubdob ng bendisyon.

Matapos ang espektakulo:
isang panata ang lumatay
sa giniginaw niyong mga kamay
na sumagupa sa ragasa
tungo sa pinipintuhong paa
na bago pa mahawakan—
tinaboy tayo ng agos
pabalik sa pampang
ng di mapatid-patid
na pagkapit sa lubid.


10 Agosto 2011

09 February, 2012

Oda kay Lirio Salvador*

Hindi natutulog ang lupit ng lungsod, Lirio.
Sa bigat ng talukap ng magdamag,
higit pang humaharurot ang mga bangungot.
Dinadagit ang lahat-lahat, at sa iyo nga:
hinablot ang huling mga araw ng taon,
itinakas ang mga posibilidad
sa pagmulat ng bagong kalendaryo.

Dala lamang ba ito ng mga nakatulog na poste?
Subalit ilang pusa na nga ba
ang hindi man lamang nakatawid
sa ikalawa o ika’tlo nitong buhay
gayong tapat na tapat ang tanghali?
O marahil bunsod lamang ito ng lamig ng Disyembre
na nagpadulas sa gaspang ng lansangan?
Ngunit ilang aso na nga ba
ang hindi man lamang nakaamoy
sa sangsang ng sagasa
gayong singaw na singaw ang sungit ng Marso?
Sana lang, sana nga ay nananakot lang si lola:
ito ay kalakaran sa pag-aalay ng tibay
sa mga kalsada at tulay.

Ay! Kay hirap ngang liripin, Lirio,
kung anong oras, kung saang panig
bubungad ang panganib
upang ipagsawalang-bahala
ang paniniyak ng ating mga talampakan,
ang paghihintay ng mga naaroroon
sa kabilang dako nitong lansangan.

Lagi’t lagi, nagmamadali ang lungsod, Lirio.
Inaaborido ng dagok ng punch clock.
Inaapura ng mga pagsikmura
sa bagsik ng bisig ng pagawaan,
sa tagibang na timbangan ng pamilihan,
sa lisik ng titig ng tanggapan,
sa pasma ng mga palad ng pamantasan
alang-alang sa mga minamahal.

Oo.
May puso ang lungsod, Lirio.
Subalit nagsasaaspalto
sa pagsambulat
ng mga pagkabalisang
di mabura-bura ng bula ng bote,
ng suob ng usok,
ng saliw ng awit ng limang piso.
Kaya nga’t kailangan pang
magpaalala ng mga kalsada.
Sapagkat,
sapagkat madalas makaligta
ang mga dibdib na minamanhid
ng siksik, liglig, umaapaw
na ligalig.

Maliban sa ngiti at tango, ni minsan
hindi tayo nag-usap, Lirio.
Marahil, hindi na kailangan pa.
Sapagkat sapat na sapat na
ang salita ng iyong Sandata
na nangungusap sa himno
ng mapagpala mong pihit—
pumapawi sa hingal, hiwa
ng talim ng ating paghinga
sa lungsod ng lubak-
lubak na pag-ibig.

Gising na, Lirio.
Naiinip na ang Sandata
sa muling pagsakop sa Espasyo.
Nananabik na muling alayan ng ngiti
ang mga labi ni Mean.




* Si Lirio Salvador ay isang kilalang sound artist. Nakapagtanghal at nakapag-exhibit ng kanyang mga likhang instrumento sa maraming museo. Nitong Enero, nakatakda sana siyang magtanghal sa Singapore. Sa parehong buwan, itinanghal din ang kaniyang mga obra sa Vargas Museum sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman habang walang-malay siyang nakaratay sa Ospital ng La Salle. Hanggang ngayon, malayang nakapagmamaneho ang mga salarin.

30 January, 2012

Muling Pagkaligaw sa Aking Paglalakbay

Sinabi ko na ang mga ito dati:

1. ‘Wag agad mahuhulog ang loob sa nakikilala/ipinakikilala.
2. Iwasan ang pagsesave ng mga mensahe sa celfone at email.
3. Irolyo at isuksok din sa bus ang mga tiket na magkasamang naglakbay. Mga
resibo ng pagkakape, pag-iinom, o pagsasalo.
4. ‘Wag agad magpapalitrato kasama siya.
5. Habaan ang pang-unawa.

Wala.
Wala na naman akong natupad.
Muli, almost lover na naman ang kinabagsakan ng lahat.

Sabi ng isang dating kaibigang naniniwala sa wika ng bituin, ang Virgo raw na tulad ko ay madaling magmahal subalit matagal makalimot. Nagkataon lang siguro ‘yun sa kaso ko. May masama ba kung madali akong magtiwala? Siguro nga meron. Dahil sa pagkakatapos ng mga pagtatangka sa pagpasok sa relasyon, ako ang laging may L sa noo.

Kahapon, gayong tatlong pirasong kamiseta lamang ang dala pauwi sa Dasma, isang libro ukol sa Diaspora, ilang diario ng mga pamantasan, isang sweater, toiletries— kay bigat-bigat ng aking backpack. Para bang nakasukbit sa aking likod ang buong lungsod. Habang nasa bus papuntang terminal sa Lawton, naalala ko ang chat namin sa fb. Kung paano nanlisik sa akin ang mga titik na nagpaunawang wala na, na muling nadurog ang posibilidad na hanggang kagabi ay pilit kong pinanghawakan.

Akala ko lang meron, pero wala! Wala! Wala na nga! Parang cursor na naghihintay sa susunod kong sasabihin: nandiyan lang tapos biglang wala. At hanggang sa pindutin ko ang x at tuluyan na ngang nawala. Hanggang sa pindutin ko rin ang deactivation, at parang kontrata na naniniguro si fb, kinopya ko ang mga nakaduduling na letra at numero para ipaalam kay fb na sigurado ako sa gusto kong mangyari: ang maglaho muna at mawala.

Bago matulog sa biyahe, binura ko ang lahat ng mensahe na nagpangiti at nagpakunot ng aking noo sa halos isang buwan. Walang dapat matira sapagkat mas mahihirapan akong magpatuloy sa mga paparating na araw.

Iniisip ko kung nasaan ang mga tiket ng bus. Siya ang nagbayad noon. Maano kung mabawasan ang mga naipong tiket sa aking garapon para sa iniisip na artwork? Ang mahalaga’y walang bakas na matira na kakapitan ng aking paglimot. Para sa mga paggising sa mga paparating na araw, tulad lang ng dati ang umaga: trabaho at pag-aaral ang ipinaaalala ng bawat galaw ng kamay ng orasan.

Bigla kong naalala, mayroon kaming litrato sa kamera ng kaniyang kaibigan. Ayos lang dahil wala naman akong kopya. Ayos lang at di naman naupload. Ililigtas din ako ng deactivation sakaling maisilid nga sa worldwide web ang litrato. Matagal ko nang nasabi sa sarili, mahirap makipagtitigan sa alaala kaya di ako kumportable sa pagpapalitrato sa mga panahong nasa bingit ng pag-ibig. Madrama na kung madrama, subalit ito ang isa sa aking paraan upang saklolohan ang sarili sa pagkangalay sa paglalagay ng L sa noo.

Batid ko namang marami na naman akong sablay na nagawa at nararapat ko itong pagbayaran. Batid ko rin na kinulang na naman ako sa pag-unawa. Pero masasabi ko rin na sa nangyari, kahit isang pulgada o kahit kalahati man lang, nadugtungan ito. Kahit papaano, natutunan ko ang salitang kompromiso. Natutunan kong kainin ang aking Ego sardines para humingi ng paumanhin, maunang magtext upang buksan ang tikom na bibig ng aming pagitan, magyaya na magkita. Pero kahit anong effort pala sa pag-unawa, kung wala namang tuwirang pagsalubong mula sa kabilang panig, hindi sasapat ang pagbuntong-hininga sa pagpapahaba ng pisi. Nakatatawa, parang moda ng mismong nasa diaspora ang kinalulugaran ko sa kaniya: wala rito, wala roon. At iyon ang huling gunita bago ako dapuan ng hikab—
ng pungay.

Ginising ako ng mga tanungan ng pasahero sa kung ano ang nangyayari sa may dakong unahan. Kalalampas pa lang ng bus sa arko ng pagbati sa pagdating sa Dasma. Medyo bumagal ang takbo. Nakitanaw na rin ako sa pinag-uusapan. Aksidente raw. Baka may shooting daw. Hanggang sa mabagal na dumaan ang aming bus sa kumpulan ng mga tao. At mula sa bintana, nadungaw ko ang tila eksena sa palabas ni FPJ na nakatulugan ko sa biyahe: isang kotse ang sumadsad sa gilid. Parang may mga tama ng bala ang salamin, isang lalaki na nasa passenger seat ang nakalaylay sa may upuan ng drayber, binendisyunan ng sariling dugo. Muli akong sinakmal ng lungkot.

Hindi ako nagsisisi, subalit oo, nanghihinayang. E ano kung may L ako ngayon sa noo, at least, humakbang ako; naglakbay kahit pa naligaw. Sakaling mapadaan ulit ako sa ganoong sangang-daan, may mapa na ako na patuloy na nabubuo dahil sa mga pagkaligaw.